Mga Kapatid sa Jollibee:
Isang mainit at makabuluhang pagbati sa inyong lahat!
Kami, inyong mga inatasang opisyales ng unyon ay nais magbigay ng paglilinaw ukol sa mga isyu at kaganapan ukol sa ating CBA negotiations. Ang paglilinaw na ito ay bunsod na rin ng mga liham na aming natanggap mula sa ilang miyembro ng kasapian at dahil na rin sa aming kagustuhang ipaalam sa inyo ang ilang kaganapan.
1. Sa isyu ng pagkilos ng unyon noong Hulyo 22, 2004
Kung legalidad ang pag-uusapan, ang ating ginawang pagkilos noong Hulyo 22 ay bahagi ng ating basehang karapatan bilang mga manggawa at mamamayan. Ang pagpapahayag ng saloobin sa mapayapa at maayos na paraan ay di kailanman maaring sagkaan.
Ang mga sumama sa pagkilos ay walang nilabag na batas o regulasyon, ng bayan man o maging ng ating kumpanya. Ang pagkilos ay ginanap sa labas ng Commissary at sa pampublikong lugar. Lahat ng sumama ay off-duty at walang operasyon ng kumpanya ang nagambala o napinsala sa pagkilos. Lalong wala rin silang intensiyon na yurakan ang imahe ng Jollibee.
Ang pagkilos na nabanggit ay bunsod ng tila mala-pagong na pag-usad ng negosasyon sa CBA at ang patuloy na pagbibingi-bingihan ng mga negosyador ng kumpanya.
2. Sa isyu ng offer ng kumpanya
Wala pong pagtatalo sa usapin na tanggapin ang pinakamagandang offer ng kumpanya, kung meron man. Kami mga opisyales ay walang ibang saloobin kundi ang makakuha ng pinakamaganda at pinakamakatarungang dagdag sahod at benepisyo para sa ating lahat.
Subalit tila bingi ang mga negosyador ng Jollibee sa mga paliwanag at "justifications" ng ating unyon. Wala po tayong hinihingi sa kumpanya na sa tingin ng unyon ay di kayang ibigay ng ating kumpanya na isa sa pinakamalaking kumpanya, di lamang dito sa ating bayan kundi sa buong mundo. Ang P16.25 na kanilang ibinibigay ay mababa pa sa "increase" sa minimum wage na kailan lang ay ibinigay ng NCR wage board.
Ang mas masakit, ang mga negosyador na inatasan ng Jolibee ay tila patuloy sa panglilinlang sa aming mga opisyal at sa ating kasapian. Ang negosasyon ay umabot na ng limang buwan. Bagama't mayroon silang binabanggit na P18 o P20 sa labas ng pormal na negosasyon, ito raw ay "unofficial" at kailangan hingiin mismo ng Unyon kay Sir Ato. Ngunit, pag dating naman sa pormal na hapag ng negosasyon ay sarado pa rin sila sa offer nilang P16.25.
Di namin sila maintindihan. Sa aming pananaw, ito ay isang taktika upang hatiin ang unyon at kasapian.
3. Sa isyu ng pagtiwalag sa KILUSAN-TUCP
Ang isyung ito ay isang malaking kasinungalingan. Ang buong liderato ng Unyon, kasama lahat ng opisyales, ay buo at lubos ang pagtitiwala sa pamunuan ni Kapatid na Valerio at di kailanman nagbalak na kumalas sa KILUSAN-TUCP.
Ito ay isyu na pilit ibinebenta ng mga negosyador ng Jollibee at ng kanilang mga sugo.
Kaming mga opisyal ninyo sa KILUSAN sa Jollibee ay walang ibang hangarin kundi mapabuti ang ating pamumuhay at kalagayan sa pamamagitan ng matuwid at makatarungang negosasyon sa ating CBA.
Kami ay nakikiusap sa kasapian na huwag magpabulag sa signing bonus at sa lump sum na inaalok ng mga negosyador. Marapat nating isipin ang pangmatagalan kagalingan at di na panandalian alok na pera.
Huwag tayong magpadala sa sulsol at intriga na gawa-gawa ng ilan na maaring bumasag sa ating kapatiran.
Ang aming kabuhayan, ang aming mga pamilya, pati na rin ang aming buhay ay nakataya sa mga pagkilos na ito. Ngunit ito ay di namin inaalintana, dahil sa aming mga sinumpaang tungkulin sa inyo.
Kami ay umaasa sa inyong pakikiisa at pagkakaisa.
Ang Jollibee ay lumago at patuloy na lalago dahil sa pagtutulungan ng Jollibee management at nating mga manggagawa. Ni hindi dumapo sa aming isipang sirain ang relasyon na ito, lalu na ang magandang imahe ng Jollibee.
Ngunit hindi rin kami handa na tumalikod sa aming mga sinumpaang tungkulin na itaguyod ang interes at kapakanan ng bawat isa sa atin.
Para sa atin lahat ito!
Ituloy natin ang inumpisahan at huwag magpalinlang!
Mabuhay ang Kilusan sa Jollibee!
Mabuhay ang Jollibee!
Pahayag ng Kilusan sa Jollibee
Ika-1 ng Agosto, 2004